Ni Manilyn Tanega
(You can read this article in English here.)
LUCAS 19:10: Bilang Community worker na hindi laking-simbahan, malaking tanong sa akin kung paano tulongan ang komunidad na maging isang patunay ng kabutihan ng Panginoon.
Doon sa International Forum ng Servants, pinasalamatan ko ang Panginoon dahil sa pribileheyong buong-pamilya naming ma-enjoy ang magandang paligid ng lugar na pinagdausan nito na nilikha Niya. Inenjoy ko rin doon ang mga worship songs, morning prayer, group-sharing at iba pang mga activities na madalas gawin sa simbahan lang.
Pero naisip ko “paano ang mga taong wala sa simbahan at hindi nais pumunta ng simbahan dahil sa paniniwalang sila’y makasalanan at di-tanggap ng Panginoon?”
Hindi namin kasanayang magsimba tuwing linggo, nang bata pa ako. Sa halip, madalas nag-iinuman ang papa ko at maraming mga bisita sa aming bahay. Ilang beses kong naririnig sa kanilang mga kwentuhan na “masusunog lang ang tulad nilang mga makasalanan pagpumasok sila ng simbahan”.
Tumatak ang mga salitang iyon sa isip ko na hanggang ngayon isang tanong pa rin kung ang simpatya ba ng Panginoon ay para lang sa mga taong matapat at matuwid?
PHILIPPIANS 4:13 Unti-unting natutunan ko ang mga prinsipyo at values ng Servants dahil din sa mga nakikita at natutunan ko sa aming komunidad. Malaking tulong ang pagbabasa ko ng BIBLIYA para magpatuloy akong maglingkod sa Diyos.
Kaya naisipan kong bumisita sa mga tahanan ng mga taong pakiramdam nila sila’y tinalikuran na ng Panginoon dahil sa masalimuot na mundong ginagalawan nila. Kasama ko si Eddie at ang mga Hiyas Youth. Bitbit ang kape, pandesal, kandila at BIBLIYA, naghatid kami ng Salita ng Diyos sa mga nasabing tahanan.
Sa umaga ng linggo naghahanda na kaming magpunta sa tahanang kilala sa aming komunidad na pugad ng mga may “bisyo at mga gumagamit ng druga”. Masakit man sabihin, ngunit isa dito ay ang bahay ng aking ama. Malaking hamon ito sa akin at sa mga kasama ko. Kasi, madalas niri-raid itong bahay ng mga pulis. Nakakatakot din ang posibilidad na baka isa kami sa madamay kung sakaling mangyari iyon.
Pero dahil sa pananalig, nagtitiwala akong hindi kami pababayaan ng Panginoon.
Sa pangalawang pagdalaw namin sa bahay ni papa, nakita ko ang mapayapang presensya ng mga tao doon sa loob. Nararamdaman ko ang mainit na pagtanggap nila sa amin. Kaya kampante naming ginawa ang mga madalas naming ginagawa sa karaniwang gathering: opening prayer, pagpapakilala at kung ano ang ipinagpapasalamat ng bawat isa.
Nakakatuwa at masarap pakinggan ang pagbabahagi ng mga “may bisyo” ng kanilang pagpapasalamat sa Panginoon. Naramdaman ko ang kakaibang presensya ang nasa gitna ng aming pagtitipon. Hindi ko mapigilan ang pagluha at panunuyo ng aking kalamnan. Nagpapasalamat sila na “nabubuhay pa sila at nananatiling malaya!”
Dahil sa pagbabahagi nila, naging malinaw sa aming mga bumisita na biktima lang talaga ang mga kagaya nila, Nlilinlang sila ng mga may kapangyarihan! Sa kawalang-pag-asa, naging practical silang gumawa na lang ng kahit hindi tama para mabuhay lang.
Matapos ang malalim na pagbabahagi ng bawat isa, nakinig kami ng kantang “Lilim”. Nanalangin din kami para sa bawat isa. Bago matapos ang kanta, biglang may lumiwanag sa buong paligid galing sa butas ng bubong na tila’y sumilaw sa aming lahat. Dahil doon ramdam namin ang Panginoon sa gitna namin, nakikinig at nakikisimpatya sa bawat hinaing namin.
Nang paalis na kami, isa sa mga lalaki doon ang espesyal na nagsambit ng pamama-alam: “maraming salamat po sainyo at GOD BLESS[Ma1] !” Ang simpleng mga salitang iyon ang mas nagpatindi ng aming inspirasyong ipagpatuloy itong gawain dahil sa pagpapakita ng himala ng Diyos sa aming ginagawa.
Pedro 1:3-9: “Bagaman hindi mo siya nakita, mahal mo siya; at kahit na hindi mo siya nakikita ngayon, naniniwala ka sa kanya at napupuspos ng hindi maipahayag at maluwalhating kagalakan. sapagkat tinatanggap mo ang layunin ng iyong pananampalataya, ang kaligtasan ng iyong mga kaluluwa”.
[Ed: Sa isang malungkot na pangyayari ilang linggo na ang nakalipas, ang lalaking nagpaalam ng ‘GOD BLESS’ ay inaresto at ikinulong; samantala ang kanyang kasama ay binaril at ang katawan nito ay iniwan sa isang kanal. Aksyon ng kapulisan sa “digmaan laban sa druga” – kahit nitong Marso 2024.]
Tags: